9.20.2004

Isa Pang Ako

Madalas, naiisip ko na may isa pang ako na nabubuhay. Hindi kopya ko. Hindi gaya ko. Hindi parang ako. Ako rin. Ako mismo. Ako talaga. Pero hindi ang akong nagsasalita ngayon; iyung ako na maaaring iniisip din ang ako na nagsasalita ngayon. Sabay kaming isinilang. Hindi halos sabay. Talagang sabay na sabay. Maaaring may nagkamali lang sa pagtatala ng nagpaanak kay Mama Josie (o sa mama niya), kaya kung magkakatagpo kami at ilalahad ang mga birth certificate, maaaring nauna pala ako ng isa o dalawang minuto. O kaya’y siya ang nauna. Gayunpaman, hindi iyon ang mahalaga. Ang mahalaga’y alam naming sabay kaming isinilang. Dapat lamang naman: paano, siya nga’y ako rin, at ako rin siya. Iisa kami.

Gayunpaman, magkaiba ang landas na tinahak namin. Na para bang isang malay na pasya iyon upang hindi kami magtagpo. Tulad ng mga bagay na iisa ang uri ng enerhiya kaya’t itinutulak kami ng puwersang nagmumula sa sarili palayo sa isa’t isa. Siguro’y takot ang puwersang iyon. Pangamba sa posibilidad na magkita kami. Paano magagawang tingnan ang sarili nang hindi kailangan ng salamin?

Ngayon, lagi ko siyang naiisip, lalo na sa mga gabing gaya nito na ramdam kong naiisip din niya ako. May mga pagkakataon na hinahamon ang sarili: Ano kaya’t lumabas ako at balikan ang mga tinahak at sa mga kanto ng bawat pagpapasya’y suungin ang lansangang kanyang pinili, at doon, hanapin siya’t harapin sa unang pagkakataon? Ngunit nanatili iyong hamon sa sarili. May mga pangangahas na hindi ko kayang pasukin. Imbes, inibig ko na lamang ikuwento ang buhay niya sa una kong koleksyon ng tula, ang Pag-aabang sa Kundiman (kung saan nasa huling yugto na ako ng rebisyon sa ngayon at sana’y matapos ko sa sembreak). Ginawa ko iyon sa pag-asang makikilala ko siya kahit paano, at mauunawan ang kanyang mga pasya. Iniaalay ko rin sa kanya ang aklat. Kapag lumabas iyon (ilalathala dapat ng NCCA), at kung sakali’y matagpuan niya ang sarili na hawak ang aklat sa kanyang mga kamay, umaasa akong sa pagbasa sa mga tula ay ako naman ang makilala niya. Sa tuwing uupo ako sa harap ng laptop, alam kong nasa sarili rin niya siyang silid, inaabangan ang bawat salita.

Isang gabi, napanaginipan ko ang pangalan niya, at isinulat ko ang “Elias.”

0 Comments:

Post a Comment

<< Home