10.13.2004

Basement

Sa baryo kung saan ako lumaki, may mag-anak na dinalaw ng kung anu-anong misteryo. Naunang inatake sa puso ang ama, batang-bata, wala pang sisenta noon. Normal naman iyon, atake sa puso. Ilang buwan lang, nalulong sa droga ang panganay na lalaki. Nang subukang iparehab (noong hindi pa uso ang pagpaparehab), nawala naman ang bisyo pero madalas nang makitang nagsasalitang mag-isa. Pagtagal-tagal napilitan silang ipasok sa mental. Ang sumunod na babae, nabuntis, at kahit na anong pagpapaamin ang gawin, hindi sinabi kung sino ang ama ng bata. Malusog naman ang sanggol nang isilang, pero nang lumalaki na’y saka nila natuklasang pipi at bingi ang bata. Ang bunsong babae naman, maayos sa pag-aaral at tangi nang pag-asa sana ng ina hanggang isang gabi’y sinapian daw ng Santo Niño. Gabi-gabi halos iyon. May ilang gabi ring kasa-kasama ako nina Inay noon kapag may padasal sa bahay nila. May malabong alaala ako ng pagsaksi sa pagsapi raw sa kanya ng Santo. Pero noong bata ako, wala pa akong gaanong pakialam doon. Sumasama ako sapagkat isa sila sa may pinakamagandang bahay sa baryo. Marmol ang sahig. Maluwang ang pinto. May terrace. Malalambot ang sofa. At higit sa lahat, may basement. Kahit minsan, hindi ako nakababa sa basement na iyon, kaya lagi kong pinag-iisipan kung ano ang hitsura noon. May kuwento-kuwento noon na may isa pa silang kapatid, isang ahas, na doon inaalagaan. Para naman sa iba, naroon ang kayamanan ng pamilya. Para sa akin, basta ibang mundo iyon. Natigil na ang pagsapi sa bunsong babae nang mabalitaan naming ipinagbibili na ang bahay. Ito raw ang malas, lalo na dahil sa basement; hinila nito ang buhay nila pababa. Walang bumili ng bahay, kaya iniwan nila itong abandonado. Noong bata ako, sukatan ng tapang ang pangangahas pumasok sa bahay na iyon. Sa taguan o barilan, iyon sana ang magandang kuta. Tiyak na walang mangangahas maghanap doon. Pero wala ring nangangahas magtago roon. Nang lumaki-laki na ako at bihira nang maligaw sa bahaging iyon ng baryo, nagulat na lang ako nang makitang may nakatira na muli sa bahay. Hindi ko na inalam ang buhay nila.

2 Comments:

Anonymous Anonymous said...

Good design!
[url=http://penxkydy.com/vzkx/irfl.html]My homepage[/url] | [url=http://kvxzjzec.com/gghi/dcpi.html]Cool site[/url]

September 18, 2006 at 11:51 AM  
Anonymous Anonymous said...

Nice site!
http://penxkydy.com/vzkx/irfl.html | http://ajlenyjq.com/lwxh/fzng.html

September 18, 2006 at 11:52 AM  

Post a Comment

<< Home