9.22.2004

Kanlungan

Martes nang nagdaang linggo, pagkababa sa istasyon ng MRT sa Ortigas, nadaanan ko ang dalawang pulubing tumutugtog at umaawit ng “Kanlungan” ni Noel Cabangon. Wala akong ganoong kalakas na pananalig sa mga namamalimos sa lansangan, bata o matanda, may kapansanan man o wala. Hindi lamang dahil sa mga lumalaganap na bali-balita (salamat na rin sa pinoy action films) na suportado sila ng mga sindikato at ang totoo’y ang mga sindikatong iyon, at hindi talaga sila, ang kinukunsinti sa pagbibigay ng limos--kaya nagiging kasangkapan pa tayo sa patuloy na pagsasamantala sa mga taong ito.

Pero kanina, nang marinig ko ang hagod ng musika ni Noel sa gitara ng isa sa dalawang pulubi na sinasaliwan ng lalim ng tinig ng isa pa, nakumbinsi akong bunutin ang lahat ng barya sa bulsa ko (hindi ko na nabilang, pero marami-raming pipisuhin iyon) upang ihulog sa kanilang “donation box.” Binagalan ko ang paglalakad upang higit na marinig ang awit na simula nang hindi na naisauli ni Mharra ang kopya ko ng The Best of Buklod kasama ang Pasakalye ay hindi ko na napapakinggan—hanggang bumili si Jema kamakailan ng Tunog Acoustic kung saan naroon din ang awit ni Noel at kopyahin ko nga ito sa aking media player. Pababa na ako sa mataas na hagdan sa direksyon ng Megamall nang maisip ko kung saan kaya sila nananahan. Ano kaya ang kanlungan sa imahinasyon nila?

0 Comments:

Post a Comment

<< Home