10.14.2004

Marikina, Workshop, Kama

Dinala ko si Yosuke sa Marikina (finals week sa Ateneo kaya mahirap magtutor sa campus; isa pa, ginagamit para sa oral exams ang lahat ng consultation rooms sa dela Costa). Dumaan kami sa likod ng Ateneo pababa sa Barangka. Bago tuluyang pumunta sa Marikina River, ipinakita ko sa kanya ang tindahan ng pirated DVDs sa Riverbanks. Natuwa naman; babalik daw siya roon isang araw (matapos bumili ng ilang pelikula). Natukso akong bilhin ang 9-dvd set ng Beatles Anthology, pero napag-isip-isip kong a-trese pa lang, at halos paubos na ang suweldo ko para sa October 15. Muntik na rin akong matuksong bilhin ang piratang Eraserheads Anthology (pero sa ngalan ng prinsipyo, naisip kong kailangang orig ang bilhin kong kopya noon). Tumawid kami sa ilog at tiningnan ang paarkilahan ng bisikleta at mga videoke sa kabila. Naghilera na rin pala ang ihawan doon. Nakumbinse kaming kumain ni Ate-Didith-na-lang-daw-ang-itawag-namin-sa-kanya. Ako, inihaw na pusit (nag-takehome ako ng inihaw na bangus); siya, sinigang na nalimutan-ko-kung-plapla-ba-‘yun-o-kung-ano at inihaw na barbecue at isa-pang-nalimutan-ko-rin-tawag (bago iyon, sabi niya’y hindi pa siya gutom). Walang pormal na tutorial habang nag-uusap kami. Kuwentuhan lang. Mula miso (oo, iyung sinigang sa miso! parang...) na kanina ko lang nalaman na salitang Hapon pala para sa soybean na siyempre, gaya ng soya, ay Ingles naman para sa utaw (ito ang Pinoy!—at ito ang pinakahindi pamilyar sa akin. Tiningnan ko sa UP Diksiyonaryong Filipino ang miso: png [Tsi] : dinurog at pinasingawang lentehas para sa sabaw o pesà Cf TAHURI. Mas gusto ko yatang ‘yun na lang “salitang Hapon para sa soybean; utaw sa Filipino.”)—hanggang sa mga problematiko ukol sa isyu ng comfort women (gaya ng, mahirap patunayan ang institusyonalisasyon ng prostitusyon noong WWII para sa mga sundalo ng Hapon dahil walang dokumento na magpapatunay dito—at bakit nga naman kasi idodokumento ito?, at kung iuuwi ito sa kaso ng rape o serye ng mga panghahalay (walang lamang!)—dahil totoo rin naman at mahirap pasubalian ang testimonya ng mga naging biktima—sakit ito ng tao, na pinalalala ng mga kundisyong gaya ng digmaan, at hindi partikular sa mga Hapones (ngayon, lamang!).

--o0o--

Ibinigay na ni Jay ang manuscript para sa 5th Ateneo National Writers’ Workshop. Uupo ako sa panel sa Lunes, unang araw ng workshop, at inaasahang magbibigay-puna sa tatlong tula (“The Season,” “Iyong Pangalan,” at “Betrayal”) at isang maikling kuwento (“Kontrabida”). Ito ang unang pagkakataon na uupo ako sa isang national writers’ workshop hindi bilang isang writing fellow (hindi siyempre kasali ang mga sesyon sa LIRA).

--o0o--

Pagkatapos ng tatlong tasa ng kape (hindi ko naubos ang ikatlo, itinapon ko na dahil napalingat lang ako’y may ipis nang nakikiinom; paalala sa sarili: kailangan ko na talagang maglinis ng kuwarto), ayaw pa (na?) akong dalawin ng antok, kahit ang umaalingawngaw sa utak ko’y ang “Kama Supra” ng Eraserheads: “Mahal kita, pero miss na miss na miss ko na ang aking kama at ang malupit kong unan.” At siyempre, nasa isip din kita. Para sa iyo na rin ito.

M Y : D A I L Y : B R E A D
For the Mind
: Arthur Rimbaud, A Season in Hell and The Drunken Boat, translated by Louise Varèse (New York: New Directions, 1961); Paul Valéry, “Commentaries on Charmes,” “On Speaking Verse,” in The Art of Poetry, translated by Denise Folliot, with an Introduction by T.S. Eliot (New York: Pantheon Books, 1958); students’ final papers (finished 33!). For the Soul: Eraserheads’ Cutterpillow. For the Body: Jollibee burger steak, inihaw na pusit, Pan de Manila monay at Reno liver spread. For the Jologs-in-me: Star Circle National Teen Quest, Krystala, Mulawin, Starstruck, Special Assignment, Y Speak.

3 Comments:

Blogger anjeline said...

congrats sa panelist-post! :)

October 18, 2004 at 5:25 AM  
Anonymous Anonymous said...

pls update ur blog. marami nag-aabang, hehe!

November 6, 2004 at 1:32 PM  
Anonymous Anonymous said...

wala na. stagnant na tong blog mo, pare

November 15, 2004 at 11:55 AM  

Post a Comment

<< Home