9.26.2004

Feng Shui

UP Diksiyonaryong Filipino:
feng shui (fung sóy) png [Tsi] : sistema ng heomansiya na ginagamit sa China upang tiyakin kung ang isang gawain o bagay ay umayon sa likas na puwersa.

Nina Corpus:
feng shui : Combination of ‘The Others’, ‘The Sixth Sense’, ‘The Ring’!

Vilma Santos:
feng shui : Magandang thriller movie. Natakot ako pero most importantly, ang galing ni Chito at saka ni Kris. She’s very good in this film.

--o0o--

Hindi na bago ang katatakutan sa Feng Shui. Maraming nakagugulat sa pelikula (literal: nakabibigla, iyung magbibigay ng kaba habang nanonood; hindi iyong "hindi inaasahan," kaya wala rin namang iniiwan na matinding pagkabahala, bagabag, o pag-iisip sa panig ng manonood).

LFS sa Megamall (9:50-11:30 n.g.) ang pinasok ko noong Sabado ng nagdaang linggo. Galing pa ako sa bahay nina Kapi para sa pagpili namin ng mananalo sa Bertigo. Maganda ang mga kuha sa kamera. Mabisa ang sinematograpiya, kahit ang tunog. Subalit hindi ako naniniwalang karapat-dapat sa “Best Actress” si Kris (kahit pa ipagsigawan niyang “nag-eexpect” siya ng award), bagaman totoong mahusay na ang pagganap niya rito kumpara sa ibang pelikula niya na napanood ko. Pero hindi siguro “Best” kumpara sa lahat ng iba pang aktres na gumawa ng pelikula sa taong ito. Halimbawa’y higit pa rin akong kumbinsido sa pagkamatimpi ni Nora Aunor sa Naglalayag kaysa sa “paos-na-pagtili” ni Kris.

Hindi naman pangit ang pelikula. Talagang maganda na ito kung ihahambing sa mga pelikulang Pilipino na inilalabas sa kasalukuyan. Ang totoo, hindi pa ako binibigo ni Chito Roño sa anumang pelikula niya na napanood ko. Sulit na nga ang PhP 70 sa De Luxe; mas mura pa ito kaysa sa pirated DVDs na ibinebenta ng otsenta pesos sa Marikina.

Kung may pinakabirtud man ang pelikula, ito’y ang paglalaro nito sa kapalaran, at sa mga konsepto ng suwerte at malas. Habang katutubo sa pito sa mga wika sa Pilipinas (Bikol, Kapampangan, Hiligaynon, Pangasinan, Sebwano, Tagalog, at Waray) ang “kapalaran,” nagmula naman sa Espanyol na suerte at mala ang dalawang huli.

Nakaguhit sa “palad” ang kapalaran, inaasahan ito, “pangyayari na hinihinuhang magaganap sa buhay ng tao o anumang nilalang.” (UP Diksiyonaryong Filipino). Tadhana. Hindi kaya, para sa mga katutubong Pilipino, sapagkat ang mga pangyayari ay itinakda na, kaya walang katutubong konsepto ng “suwerte” o “malas”—na lahat ay bunga lamang ng kapalaran, at kagaya ng mga bagay na wala tayong magagawa, hindi sila masama o mabuti, hindi positibo o negatibo, kundi gayon lamang: pangyayari?

2 Comments:

Anonymous Anonymous said...

Hi Egay, Carlo de jesus 'to from Cervini 301.

I'm in NY right now, studying/pursuing film, and i happened upon your blog through your friendster account. Astig lang siguro masasabi ko. Naaaliw ako sa mga kwento mo. Sana'y ipagpatuloy mo 'tong Blog mo. Sobrang naiinggit ako sa Pilipino mo. I personally wish i could express myself as eloquently as you. Anyway, if you have any of your poems up somewhere, it would be interesting to read a few of them. Much respect and good luck, Carlo

September 26, 2004 at 6:13 PM  
Blogger egay said...

Carlo! Salamat sa pagbisita sa blog. Nariyan ka na pala, well, good luck sa pag-aaral. Interesado ka pala talaga sa film; I'm looking forward to your contribution for the development of Philippine cinema hehe. Sinu-sino nga bang kasama mo sa 301? Si Kerwin, nagmomodel na 'ata ngayon, nakita ko siya isang beses sa TV. Si Jay-R, I think nakikita ko pa siya hanggang last sem; ngayon hindi na, wala na akong balita. Sino pa ba yung isa sa 301? Si Jeff ba? Nagtuloy ba siyang magmed? Sige, enjoy ka rin d'yan. Gusto ko rin sanang makapunta sa NY, to meet my favorite contemporary American poets in person hehe. Baka matagal pa 'yun, kung matuloy man. Sa ngayon, pagtuturo muna. Ingat ka, at dalaw ka rito sa blog paminsan-minsan. You might get updates on our batchmates here. Oo nga pala, Cervini had its Open House last last week. May mga bagong tula ako rito: bhttp://www.geocities.com/icasocot2/literatura08.html

September 27, 2004 at 1:40 PM  

Post a Comment

<< Home