9.28.2004

Ugat ni Elias

“I regret having killed Elias... But I was in such a poor health when I wrote the Noli that I felt I could not go with it and talk of revolution. Otherwise, I would have preserved the life of Elias, a noble character, a patriot, self-sacrificing, truly a man who could lead a revolution.” —Jose Rizal, Letters
Binasa kong muli ang kabanata ng Noli me Tangere ukol sa mga nuno ni Elias. (Sa salin ni Virgilio S. Almario, "Kabanata 51: Ugat ni Elias") Sa bahaging ito, ikinuwento ni Elias kay Ibarra ang kasaysayan ng kanyang angkan, mula sa kanyang ingkong na naparatangang kriminal ng amo nitong isang negosyanteng Espanyol, at sa asawa nitong napilitang magputa.

“Wala na silang dangal at hiya. Gumaling ang mga sugat ng lalaki at nagtago kasama ang kabiyak at anak sa bundok ng probinsiyang ito. Dito isinilang ng babae ang isang sanggol na salanta at sakitin, at sa kabutihang palad ay namatay. Ilang buwan pa silang namuhay dito, maralita, nakabukod, kinasusuklaman at iniiwasan ng lahat. Kulang sa tapang ng kaniyang asawa, hindi nakayanan ng aking ingkong ang kaniyang paghihirap at nagbigti nang makitang may sakit ang kabiyak at walang maaasahang tulong ni kalinga. Nabulok ang bangkay sa harap ng anak, na halos hindi pa kayang alagaan ang inang may karamdaman, at dahil sa baho ay natuklasan ng makapangyarihan. Isinakdal at kinondema ang aking impo dahil hindi ipinaalam sa iba. Ibinintang sa kanya ang pagkamatay ng asawa at pinaniwalaan ito. Dahil bakit hindi ito magagawa ng asawa ng isang maralita, pagkatapos nitong magputa? Kapag sumumpa, sasabihin nilang pinaglalaruan niya ang hukuman. Kapag umiyak, sasabihin nilang nagsisinungaling; at lapastangan, kapag tumawag sa Diyos. Gayunman, kinahabagan siya at hinintay munang makapanganak bago latiguhin.”
Hindi na nakapagtatakang maging tulisan ang kanilang panganay, na nakilalang si Balat. Isang araw, natagpuan naman ng bunsong lalaki ang ina:

“... nakabulagta sa tabi ng landas sa ilalim ng isang punong bulak. Nakaharap ito sa langit, dilat na dilat na nakatitig, nanigas ang mga daliring nakabaon sa lupa na may mga bahid ng dugo. Tumingala ang binatilyo at sinundan ang titig ng bangkay, at nakita niyang nakabitin sa sanga ang isang buslo. Nasa loob ng buslo ang duguang ulo ng kaniyang kuya!”
Ano pang uri ng pandadahas ang maaaring gawin sa isang murang kaisipan na dumanas ng ganito? Pagdating sa puntong ito ng nobela, mauunawaan nating may mga kaapihang higit pa sa pamilya ni Sisa, na hindi nag-iisa si Basilio sa pagkaulila bunga ng karahasan sa lipunan. Na ang totoo’y sinasalo lamang niya ang pagkaaping nananalaytay sa mga ugat ni Elias. Ama ni Elias ang binatilyong iyon na nakaligtas. Pinilit nitong magbagong-buhay, umibig sa isang dalagang may-kaya, subalit naungkat ang kanyang nakaraan, at isinakdal siya’t napawalay sa kanyang kambal na anak. Malaki na si Elias nang matuklasang ang matandang katulong na madalas kutyain ng ibang katulong ay ang sarili niyang ama. Itinakwil sila ng kamag-anak ng kanilang ina at sumama silang magkapatid sa kanilang ama. Nawalan ng katipan ang kanyang kakambal na babae, na lubha nitong ipinagdamdam. Nagdaramdam din pala ang matanda na ikinaikli ng buhay nito. Ang babae nama’y namighati at nang mawala ito’t matagpuan ang bangkay sa aplaya ng Calamba makaraan ang anim na buwan, hindi na matiyak ni Elias kung ito ba’y nalunod o nagpakamatay. Ni hindi hinarap ni Elias ang bangkay upang angkinin. Mahalaga ang kanyang mga pangwakas:

“Mula noon, naglagalag ako sa mga probinsiya, naging bukambibig ang pangalan ko at buhay, ibinintang sa akin ang maraming pangyayari, paminsan-minsang inaaglahi ako. Ngunit maliit ang tingin ko sa palagay ng mga tao at patuloy kong tinahak ang sariling landas.”
Patuloy kong tinahak ang sariling landas. Mayroon pa rin nga siyang maaangkin sa kabila ng lahat. Kailan ako nagkaroon ng ganitong katiyakan? Heto’t ni walang ganito kadilim na nakaraan ang aking angkan ay may pangingimi pa rin akong mag-angkin ng anumang landas. O kung nagpapatuloy ba ako.

Kapag nagkaanak ako at lalaki, papangalanan ko siyang Elias Iñigo. Para kay Elias nga at para kay Ignacio (section ko noong nasa fourth year high school at patron ng kolehiyong pinasok ko at pinagtuturuan ngayon). Pag-ibig sa bayan at sa pananalig. Kung may nalalabi man sa aking pagturing sa ideyal, iyon iyon. Aabangan ko ang kanyang pagsilang. Paglaki niya’t may sarili nang paninindigan, hahayaan ko siyang magpasya sa sariling pangalan. Hindi niya kailangang mabuhay sa palagay ng ibang tao.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home