12.06.2004

Iba Na

Astig maging iba. Matagal-tagal ko na ring inaabangan ang Chito Roño’s Spirits sa Dos. Kabado rin, baka mabigo na naman kung paanong sobra ang disappointment ko sa pilot episode ng Krystala. Pero tuwing maiisip ko na hindi naman siguro ikakabit ni Roño ang pangalan niya sa anumang bagay na hindi niya maipagmamalaki, lalo akong nasasabik sa pagsisimula ng ibang soap opera na ito. Nang una kong napakinggan ang theme song na kinanta ng Rivermaya (“You’ll Be Safe Here”), ang nasabi ko lang: “Iba nga.” Wala pang soap opera sa alaala ko na alternative rock ang theme song: “Astig.” Kanina, pinagmadali ko sa pagkain si Jema para abutan ko sa simula ang serye. Hindi naman ako binigo ni Roño. Intriguing ang pilot episode, bukod sa magaganda ang anggulo ng kamera. Masinop ang editing. Para sa isang suspense-horror, mainam ang pagpapanel ng shots sa screen (a la 24): lumilikha ito ng pakiramdam na may tumitingin mula sa iba’t ibang direksyon. Mahusay din ang pagpili sa mga aktor na nagpakilala sa serye: Ricky Davao, Lito Pimentel, Sandy Andolong. Kahit ang mga extra, hindi robot sa pagsasalita (sakit ito ng maraming soap opera: dahil extra “lang,” kahit ni hindi marunong magdeliver ng linya, pinalulusot). Sa ngayon, isa pa lang ang nakita kong bata: si Red (na ginampanan ng grand kid questor ng SCQ season 1) na anak nina Ricky at Sandy. Kung saan magmumula ang pitong iba pang bata (na malamang ay nasa ospital o malapit dito nang maganap ang pagsabog ng nakabubulag na liwanag—teka, may nabulag ba?), ito ang kailangang abangan. Mabuti rin at nabigyan ng break si Michelle Madrigal. Sa tingin ko, isa siya sa pinakaunderrated sa magic circle of 10 ng SCQ season 1. Paghusayin pa sana ng creative team ng Spirits ang kuwento ng serye, at manaliksik din sana sila sa iba’t ibang mito at alamat sa Pilipinas upang mailangkap ang mga angkop na kuwento sa binubuo nilang naratibo.
-o0o-
Ano ba ang iba? Ayon sa UP Diksiyonaryong Filipino: “bukod; hindi katulad; hindi kauri.” Kung gayon, hindi ba’t lahat, iba? (Mas nakatatakot na makitang kapareho mo ang lahat ng iba pang bagay: na ikaw sila at sila ikaw.) Sa isang banda nga siguro, nagdudulot ng isang uri ng kapanatagan ang katiyakan na iba tayo sa iba pa.

Ilan pang tanong: Paano ba maaaring tingnan ang iba nang hindi nagmumula sa isang sarili? Gayundin naman, paano maaaring makita ang sarili bilang siyang iba?
-o0o-
Kanina, nadatnan ko sa mesa ko ang kopya ng Heights na lumabas dapat noon pang nagdaang school-year (bandang Pebrero o Marso 2004). Nalimot ko na ang ipinasa ko rito kaya’t nanlumo na naman ako nang makitang nakalathala roon ang dalawa kong tula: “Nadadala ako sa haba ng gabi” at “Kababata.” Nanlumo sapagkat una, “Abas sa wakas” na ang pamagat ngayon ng unang tula, at may mga italicized dapat na hindi (na naman!) italicized sa inilathala ng Heights; at ikalawa, marami nang rebisyon, lalo na sa huling bahagi ng “Kababata.” Kailangan ko sigurong ilagay ngayon ang pinakabagong bersyon ng dalawang tula, para ipaalala sa sarili (at sa iyo), na luma na (at hindi ko na ibig) ang nasa Heights. May nagbago na sa pagturing ko sa dalawang tula sa pagitan ng halos isang taon. Wala pang isang taon. Paano ko ituturing ang mga ito ilang taon mula ngayon?

Abas sa Wakas

Nadadala ako sa haba ng gabi

Gayong nag-aantok ang buong paligid.
“Mayro’n bang pangalan sa pagkatigatig

Na dulot ng buong pag-ibig? Mayroon,
Bulong sa sarili. Tingnan ang kahapon.
Subalit panganib lagi ang sumuong

Sa nagdaan: bilog ang mundo, ang buwan,
Nag-uulit itong kasaysayan. Alam
Ng ilog ang kanyang tinatawid: buhay.
“Nasaan ang tubig nating niyapakan,

Nilusong, at saka inahunan?” Wala
Akong alam liban sa musa at tula,
Sa pampang at punong tahanan ng mutya
Na tinatanghuran ng bigo’t makata.
Ganito ko ibig na muling isumpa.


Kababata
May pinatutulog na sa kuna
si Ambet. “Ninong ka ha.”
Nagbabasketbol naman sa isang liga
si Joseph, sabi ni Noel
nang madaanan ko siyang
katagay sina Delio sa bilyaran
nina Mang Mando. “Inom ka
muna rito.” Pero kailangan kong
dumiretso sa bahay nina Ligaya.
“Malalaki na ang kaimito,”
bungad ko kay Tatay Dano.
“Katatanggap lang niya
ng huling sulat mo noon,”
ang bati naman niya sa akin.
Noon ko napansin na marami nang
namatak na bunga sa lupa.
Hinanap ko ang pagluluksa
sa kanyang mga mata
habang naghahanda ng meryenda:
Pop, sagimis at ginataang kalabasa.
Hindi ko natagalan ang pagsasama
ng aming mga pag-iisa.
Binaybay ko ang aspaltado
nang kalsada pauwi. May bagong
barberya at karinderya sa ilaya.
May arko na rin sa bukana.
Baryo Santo Niño: Mabuhay.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home