Sakit
Maaaring sakit naman talaga, hindi sugat. Minsan, kahit walang nakikitang sugat, biglang may sakit na mararamdaman sa iba’t ibang bahagi ng katawan. Matapos ang unang pagbabadminton namin nina QT (limang linggo na ang nakararaan), hindi ko magamit ang kanang kamay. Ni hindi ko mahawakan ang kutsara nang hindi ako magmumukhang epileptic. Masakit. Noong nagdaang Sabado, nagpaprophylaxis kami ni Jema at sinabihan ako ng dentista na may isang ngipin na kailangang bunutin o i-root canal. “Dok, alin po’ng mas masakit?” “Siyempre, ‘yung bunot, pero ang root canal, mas masakit sa bulsa.” “Mga magkano po kaya?” Tinanong muna ang secretary, na para bang hindi niya alam kung magkano. Maraming ganitong propesyunal: nahihirapang aminin ang halaga ng serbisyo. “Mga 1,800 isang root, dok.” “O, 1,800 daw. E tatlo’ng root nitong ngipin na ‘to. So mga magkano ‘yun? Five plus.” Masakit nga. At may pahabol pa: “Pito pa rito, kailangang pastahan habang maaga.” “Magkano naman po ang pasta?” Tinanong ulit ang secretary. Maaaring abutin ng 550 bawat isa, depende sa laki ng butas. Kapag pagkakagastusan, mabilis gumana ang calculator ko sa utak. 3850. “Kailangan po bang sabay-sabay?” “Hindi naman, dapat din ‘yung kaya mo.” Hindi ko na nilinaw kung kaya ng ngipin o ng bulsa. “Dala-dalawa po muna.” At nung nakaraang Martes nga, dalawa na ang tinapalan. 700 lang naman. Hindi ko makuhang ngumiti. Minsan naman, balikat ko ang sumasakit. Parang sumasala ang pagkakahugpong ng mga buto’t hindi ko maigalaw. Naaalala ko si Symn, na noong swimming namin pagkatapos ng high school graduation ay unang-unang tumalon sa pool. Freestyle. Pag-angat ng kaliwang braso (o kanan, hindi ko na maalala), luminsad ang buto sa balikat, halos mapunit ang balat. Nasira ang dapat sana’y pagsasaya ng buong klase. Isinugod siya sa ospital (siyempre). Noon lang namin nalaman na madalas na pala iyung mangyari sa kanya at nagsimula noong bata pa. Kaya inaalalayan din niya ang sarili kahit sa pagbabasketball. Ako, hindi naman kailangang ipaospital. Tulog lang, ayos na. Pagkagising, parang nagdahilan lang ang sumasakit na balikat. Walang pilat na iniiwan ang sakit. Minsan nga, nagigising akong ni hindi naaalala na bago natulog ay masakit ang kamay o ang ngipin o ang balikat.
Mahigit isang taon matapos kong simulang upuan ang MA tesis ko, muli kong pinag-iisipan ang mga isinulat ko roon. Maaaring sakit naman talaga, hindi sugat.
Mahigit isang taon matapos kong simulang upuan ang MA tesis ko, muli kong pinag-iisipan ang mga isinulat ko roon. Maaaring sakit naman talaga, hindi sugat.
0 Comments:
Post a Comment
<< Home