9.29.2004

Kuwentong Sunog

Pagkagising ko kaninang umaga, nakatanggap ako ng text messages mula kina Ma'am Beni at Christine (Bellen). Iisa ang laman: Nasunugan daw si Sir Jun (Cruz Reyes) kaninang alas-kuwatro ng umaga.

Noong bata pa ako, madalas sabihin ni Inay, tuwing may mababalitang nanakawan sa San Gregorio: "Ay, manakawan na ako nang sampung beses, 'wag lang masunugan." Nasa grade school ako nang masunog ang simbahan sa parokya namin, at pagkatapos, ang buong palengke ng San Pablo. Walang natira.

Wala raw natira kay Sir Jun. Ang masama, kasama sa mga nauwi sa abo ang ilang bagay na hindi niya makukuha o mabibili sa kahit saan: manuskrito ng kung ilang sinusulat, paintings, sculptures. Hindi rin ligtas ang sining sa sumpa ng apoy. Umuuwi nga ang lahat sa abo; pero hindi rin naman sa abo lang nagmula ang mga iyon. Tiyak na maraming araw ang kinailangan niyang bunuin, maaaring may mga okasyon na hindi niya dinaluhan upang matapos ang isang obra, may mga taong hindi niya hinarap upang tutukan ang isang akda.

Kahapon lamang, tinalakay namin sa mga klase ko sa Fil 11 ang kuwento niyang "Mga Kuwentong Kapos" bilang isang metafiction. Para sa mga estudyanteng nakinig at nagustuhan ang kuwento, maaaring iyon, iyon ang hindi masunog at maabo kahit kailan.

Para kay Sir Jun: may meta naman, kahit sa harap ng sunog. (Mahirap ito, wala na akong maisip na pampalubag-loob.)

3 Comments:

Anonymous Anonymous said...

Sa mga kaibigan, estudyante at katrabaho ni Mang Jun, pwede po kayong mag-abot ng anumang tulong sa kaniya sa UP Institute of Creative Writing at sila po ang magdadala nito kay Mang Jun.

Egay, buti na lang ikaw ang nagpost tungkol dito. Masyadong masakit isipin, kaya't hindi ko siya maisulat o mapag-usapan.

September 30, 2004 at 2:01 AM  
Anonymous Anonymous said...

-psychicpants (hindi ako Anonymous)

September 30, 2004 at 2:02 AM  
Blogger egay said...

Walang problema, Paolo. Oo nga, sa mga pagkakataong ganito, kapos ang salita. Ipararating ko sa mga kakilala ni Sir Jun.

September 30, 2004 at 4:17 PM  

Post a Comment

<< Home