12.08.2004

Batok

Hindi ako dapat mainis nang ganito. Nangyayari ito. Nagkataon, sa akin nangyari kanina.

Ganito: may appointment ako sa derma kanina, alas-diyes. Follow-up na lang ito, matapos kong gumastos ng mahigit isanlibo para sa “barber’s itch” daw sa kanang batok ko. Eksaktong alas-diyes ako dumating. “May pasyente lang si doktora,” sabi ng receptionist, kaya umupo lang ako. Naglaru-laro ng dart sa celfone makalipas ang halos sampung minuto at hindi pa rin ako tinatawag. Bukas ang TV sa reception area, palabas ang The Promise sa Kapamilya. Maya-maya, nagsimula na ang Morning Star, binuklat ko na ang Franny and Zooey (dala ko, kasama ng ibang libro, dahil ibebenta ko na sa Dating Kundiman). Walang pumapasok sa isip ko kundi: antagal naman ng doktorang ‘yan. Nainis yata ang receptionist sa pagkanta ni Yachang ( ? ), inilipat sa Sis kung saan nagkataong hinahalikan ni Christian Vasquez ang pagitan ng dibdib ( ! ) ni Ate Gay. Ibinalik ko ang aklat ni J.D. Salinger sa bag ng dala kong laptop. Nagdart na lang ulit ako. Pagkatapos ng ilang libong puntos, saka ako tinawag sa kuwarto ng doktora. Tiningnan ko ang oras: 11:18. 11:18! Pumapasok pa lang ako, tumayo na ang doktora at tiningnan ang batok ko, “mabilis mag-react ang balat mo sa gamot,” sabay ngiti. Napansin n’ya yata na hindi ko ibinalik ang ngiti. “Sige, ituloy mo lang ang medication.” Napatanga ako. Iyon na po ‘yun? Hindi ko alam kung may lumabas na boses o sa isip ko lang nasabi iyon. Nakita ko na lang na bumababa na ako ng hagdan. Wala pa yatang tatlong minuto na nagkaharap kami ng doktora. Naghintay ako ng halos isa’t kalahating oras para sa “sige, ituloy mo ang medication” na gagawin ko naman talaga kahit hindi niya sinabi dahil alam kong hindi pa magaling na magaling ang batok ko.

Yun. Kailangan ko lang isulat, dahil wala naman akong mabatukan.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home