12.09.2004

Laban

Pasado alas-singko nang pumunta kami ni Christine sa bandang Miriam para makisali sa human chain upang labanan ang pang-aabuso sa karapatang pantao, partikular ang karahasan laban sa mga manggagawa ng Hacienda Luisita. Masaker sa mga pangalan na di ka matatandaan, mga mukhang ni hindi ko nakita. Sa mga ganitong pagtatangka, alam kong hungkag na hungkag pa rin ang pagsasakatuparan ng nais ko sanang dalisay na pag-unawa sa dinaranas ng madla. Nandoon na si Allan. Nakita ko rin si Ate Floy ng OSCI, at ilang dating estudyante. Dumating ang mga taga-GMA. May mga nagsalita, kinatawan ng iba’t ibang samahan, kasali na si Mike (dati ko ring estudyante) na siyang punong patnugot ngayon ng Matanglawin. Nagsimula ang mga hiyaw. Ipaglaban! Ipaglaban! ... ang maraming bagay. Nakisigaw ako habang sinisindihan ang mga kandila at pumipila sa gilid ng Katipunan. Maya-maya nakisali na ang mga dumadaang sasakyan. Lalong lumalakas ang hiyaw at palakpak ng mga tao sa sunod-sunod na pagbusina ng kotse, taksi, jeep. Sa gitna ng lahat ng ito, naiisip ko: “Mapula pa kaya ang mata ko? Nasimulang humapdi at mamula ito bago kami umalis ni Christine. Huwag naman sanang sore eyes. Ano kaya’ng mangyayari sa Spirits mamaya? Anong oras ba matatapos ito? Paano kapag nagka-sore eyes ako? Ititext ko si Bhing mamaya, birthday na ni Khayam bukas e. Sisimulan ko na ba ang bagong libro ni Allan?” Umalis kami menos kinse bago mag-alas siyete. Pag-uwi ko, nawawala na ang pula sa mata ko. Hindi pa tapos ang TV Patrol World. Hindi pa rin nagri-reply si Bhing. Binuklat-buklat ko muna ang libro ni Allan. Suot ko pa rin pala ang pulang ribbon na ipinamigay ng Anakbayan-HS kanina.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home