12.09.2004

Buhay

Nabasa ko na kanina ang balita sa Internet bago ko napanood sa TVP. May mga nahukay nang buhay mula sa pagguho ng lupa sa Infanta labing-isang araw ang nakalilipas. Labing-isang araw! Nakatutuwang nakakikilabot ang kuwento ng ilan sa mga nakaligtas. Sabi ng isang lola: sabi ko sa mga bata, tama na ang pag-iyak namin, masaya naman, kaya nagkukuwentuhan kami nang kung anu-ano, at minsan nga, tinanong nila ako, lola ano po ba ang nagugustuhan n’yo sa isang lalaki. Sabi ng isang batang kasali sa choir ng simbahan: kumakanta kami, lahat na yata nakanta namin, sabi ko sa kasama ko kanta lang tayo, may dahilan bakit buhay pa tayo. Sabi ng tatay ng isang batang babae: Ipinamigay ko na nga ang mga damit nito, di ko alam na buhay pa siya, di na ako umasa, tapos eto, salamat po, salamat po. Iniisip ko ang mga pinagkaabalahan nitong nagdaang labing-isang araw, kung paanong walang-wala akong pagmamalay sa buhay, habang may mga tao na damang-dama iyon. Bayani raw ang mga bata, sabi ng lola. Dahil sa buong panahon na iyon, ang mga ito ang kumukuha ng tubig sa putikan, sinasalok ng maliit na kaldero na pinagpapasa-pasahan naman nila.

Nag-text si Kuya Buddy kahapon. Humihingi ng dasal. Nasa Infanta nga pala sina Phillip, doon nga pala sila ipinadala ng seminaryo nila nitong Hunyo pa. Ligtas sana sila. Nabasa ko sa kolum ni Conrad de Quiros ang tungkol sa katu-katulong ng isang pari na nagsakripisyo ng buhay nitong nagdaang sakuna sa Quezon. Naisip ko na maaaring-maaaring si Phillip iyon, o isa si Phillip sa mga gaya niya. Ligtas sana siya. Maaari sanang isa na rin itong panalangin.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home