12.12.2004

2 Palabas

Katatapos ko lang maglinis ng kuwarto, simula kaninang alas-nuwebe pagkaumagahan. Talagang mas masarap ngang magtrabaho kung ganito, malinis ang paligid.
-o0o-
Noong Biyernes, pinanood namin ni Jema ang Bunso sa UP Film Institute. Bagong dokumentaryo ni Ditsi Carolino, tungkol sa mga batang bilanggo. Hindi nalalayo sa atake niya sa Riles: Life on the Tracks, hindi kasimbigat ng paksa ang atake niya rito (higit na may siste, kaysa sa una niyang Minsan Lang Sila Bata). Sa panayam halimbawa sa isa sa mga bata, sinabi ni Tony na hindi siya nagnanakaw sa mga tindera sa kalye, dahil kamukha aniya ito ng kanyang mga tiyo at tiya. Maraming bahagi na di mapipigilan ng mga tao na mapatawa sa sitwasyon at katapatan ng mga bata, bagaman alam natin na higit pa sa tawa ang hinihingi ng dokumentaryo.

Pagkatapos ng pelikula, may isang babae mula sa Commission on Human Rights na nagbigay ng puna. Aniya, kinakailangang maging maingat ng pelikula sa paggamit ng mga termino. Sa ibinigay umanong bilang ng child “offenders,” mahalagang kilalanin na marami sa kanila ang hindi “guilty” sa anumang krimen na ibinibintang sa kanila, kaya mainam aniya kung child “accused” ang terminong gagamitin. Habang sumasang-ayon ako sa puna ng babae mula sa CHR na maging maingat sa mga termino, naniniwala rin akong hindi ito usapin (lamang) kung nagkasala ba ang bata o hindi. Totoo nga naman: ang tatlong bata na pinagtuunan ng naratibo ng dokumentaryo ay pawang “guilty” sa kani-kanilang krimen: pagnanakaw, paggamit ng droga, pagnanakaw muli. Bakit hindi tinalakay sa dokumentaryo ang kaso ng mga batang wala talagang kasalanan? Sa palagay ko, mahalaga ang pasyang ito ni Carolino. Kapag ipinakita niya ang kaso ng mga batang iyon (na naniniwala akong marami rin), may panganib na matabunan ang totoong isyu. Maaaring makisimpatya sa kanila sapagkat “wala silang kasalanan,” at hindi dahil “bata pa sila.” Naniniwala akong hindi pa ganap ang pananagutan ng isang tao sa kanyang mga pagkilos kapag wala pa siya sa sapat na gulang. Higit kaysa sa bata, mas may pananagutan ang magulang na nagkulang sa paggabay sa kanya. Bata pa sila. Hindi dapat ganito ang mundong ginagalawan nila.

Samantala, may isang banyaga (mula sa UNICEF) na tumayo upang magbigay ng puna. Bumati siya ng magandang hapon sa Filipino. Akala ko, isa lang iyon sa mga limitadong alam niya sa wika natin, pero nang nagpatuloy siya sa pagpuna at pagtatanong sa Filipino, hindi ko maiwasang mamangha at humanga. Wala siyang binanggit kahit na isang salita sa Ingles! Sana’y nakadama na pagkapahiya ang lahat ng mga Pilipinong naunang nagbigay ng puna, na kung hindi sa Ingles ay sa Taglish (Fililish?). Tuwang-tuwa ako’t may ilan akong estudyante sa Fil 12 na nanood. Mahalaga ang itinanong ng lalaki: bakit aniya magaan ang pagdadala ni Carolino sa paksa? Bakit hindi naipakita na may karahasan sa loob ng piitan at mapanganib ito para sa mga bata? Tiyak naman ang tugon ni Carolino: limitado sila ng kayang makunan ng kamera. Pagsasara ng kulungan sa gabi, hindi na sila maaaring manatili roon kaya naman, kung ano man ang mga nagaganap sa pagpatay sa mga ilaw, hindi na nila maisasali. Gayumpaman, sinikap nilang ipakita ang panganib na ito sa pamamagitan ng pagbanggit sa mga estadistika sa dulo: kung ilang mga bata ang bilanggo sa kasalukuyan, at kung paanong marami sa kanila ang nabibiktima ng panghahalay sa loob.

May Comprehensive Juvenile Detainees Bill pala na nakabimbin na sa kongreso sa loob ng limang taon. Hindi ko maunawaan kung ano ang maaaring mga pumigil sa mambabatas upang patagalin ang pagpapatibay ng batas na mangangalaga sa kondisyon at karapatan ng mga bata, kahit pa nga ba bilanggo sila bunga ng mga krimen na maaaring hindi pa nila ganap na nauunawaan.
-o0o-
Nanood kami nina Jema at Vim ng 2046 sa SM City kagabi. Lagi akong pinapagod ng mga pelikula ni Wong Kar Wai. Kapareho ng naramdaman ko matapos panoorin ang kanyang Chungking Express, In the Mood for Love, at kahit ang Happy Together dati. Kailangan talagang mapanood ko na ang tatlo pang pelikula ni Wong Kar Wai (may dvd’s si QT), bago ko muling panoorin ang 2046, lalo pa’t maraming bahagi ng pelikula ay may alusyon sa mga tagpo at tema ng mga nauna niyang pelikula.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home