12.13.2004

Kailangan

Ka+ilang+an. Ilang. Paanong ang “anumang inaasahang matapos, mangyari, o matamo; mahalagang bagay na dapat tugunan” ay maaaring nagmula sa “pook na malayo sa kabahayan, malungkot, at walang naninirahan; parang; paggipit sa kalaban at katalo; o hindi mapakali.” Mahalagang mapagmunihan ito. Pook na malayo sa kabahayan, malungkot, at walang naninirahan: Kailangan. Ano’ng ibig sabihin nito? Bakit gayon? Subalit magkaiba sila ng bigkas: ílang, iláng. Kasimbigkas pa ng ilang-ilang (“punongkahoy na may mabangong bulaklak at langis; bulaklak nito”). Iyon kaya ang kailangan? Isang punongkahoy/bulaklak?

Ka ilang an

Tinawag ako ng samyo ng mga bulaklak.
Malayo sa kabahayan. Mahalaga ito.
Ngayong gabi, magwawakas ang dapat
maganap. Magaganap ang wakas.
Bukas, lilisanin ang mga tahanan.
Nauna nang nabalisa ang mga punongkahoy.
Susuka ng langis ang banal na bundok,
gayon ang hula ng matatanda.
Hindi luluha ang langit. Matitigib ng panglaw
ang lupa. Maaanod ng langis ang sinag
ng araw. Samantala’y hindi ako mapakali
ngayon: babang-luksa ng kalikasan.
Noon pa ako yumao, ‘kita mo.
Hinahamon ako ng punong iyon.
Sabi ko noo’y di na ako malulungkot
sa pagpatak ng dahon. Pinitas ko
ang huling bulaklak. Sa wakas,
tinatanggap ko ang pagkatalo.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home