12.12.2004

Mga Di Inaasahan

Nakita ko na naman si Allan kanina, sa NBS-Katipunan. Sa UP nga pala pumapasok ang kuya n’ya. Nagdadalawang-isip pa ako kanina kung pupunta ba ako sa National (kahit wala naman akong bibilhin) bago dumiretso ng Rustan’s. Pumunta na rin ako, nagbuklat-buklat muna ng mga magasin, Time (inisa-isa ko ang mga gadget sa Best Innovations in 2004 issue), Newsbreak (nagbago na ang lay-out, mas gusto ko iyung dati), Free Press (may essay si Mabi, gusto ko sanang bilhin pero napagpasyahan ko na ipakopya na lang ang sanaysay n’ya sa lib bukas). Pagkaraan pinasadahan ang Filipiniana shelf, baka may bagong nadagdag. Wala, gayon pa rin, gaya nang huli akong dumaan doon. Paalis na ako nang naisip kong bumili ng pocket notebook (dahil sa laptop na ako nagjojournal ngayon, hindi ko na kailangan ng journal notebook talaga; ang kailangan ko lang ay notebook na madaling maisilid sa bulsa para sa mga tala na isusulat ko nang buo sa gabi pagharap dito sa laptop). Doon ko nakita si Allan. Parang nagkagulatan pa kami, hindi ko agad siya nakilala, paano’y nahirapang iproseso agad ng utak ko na maaaring magkita kami dito sa Katipunan. Nang makabawi sa pagkabigla, saka nga niya ipinakilala sa akin ang kuya niya. “Mag-iingat ka, Allan.” Lagi namang gayon ang paalam ko sa sinumang itinuturing na kapatid sa JHNS. “Ikaw din, kuya.” Magaan na ulit ang loob ko. Tinext ko si Khayam (kalo-load ko lang kaya hindi ako nakareply sa text niya kahapon) para ipaalam na nagkita kami ni Allan (magkaklase sila noong high school).

Wala pang isang buwan ang nakararaan, si Vic naman ang di-inaasahang nakasalubong ko sa Katipunan. Kasama niya ang mga kabanda n’ya (may banda na siya!), may gig sila malapit dito. Biglang-bigla rin kami pareho. Siya ang unang nakakita. “Kuya Egay?” Gaya kay Allan kanina, natagalan bago ko siya nakilala noon; hindi ko naisip noong mga gabi na nagvivigil kami, o may mga retreat sa San Pablo (mahigit apat na taon na ang nakararaan ang huli) na magkikita kami rito sa Quezon City sa ganoong paraan. Pero gayon lang. Bati. Agarang kumustahan. Pagkatapos, paalaman na agad. May kanya-kanya kaming pupuntahan. Ni hindi ko man lang nakuha ang cel number n’ya o naibigay ang sa akin. Sayang, lalo pa’t sa December 27 e mayroon nga kaming reunion/Christmas party.

Sino pa kaya sa kanila ang narito lang sa tabi-tabi, na maaaring-maaari na makasalubong ko nang hindi inaasahan? Sa susunod, pipilitin kong hindi na magulat. Malaki na rin tiyak ang nabago sa mga buhay nila at hindi malayong isipin na rito rin sila tangayin ng kani-kanilang pangangarap. Makilala pa sana nila ako. Makilala ko pa sana silang lahat. Kapag tinitingnan ko ang listahan ng mahigit 200 naging miyembro ng JHNS na nakilala ko lahat nang personal, tumatawag lahat sa akin ng kuya (maliban sa mga kabatch ko na kaklase’t kaibigan rin noong high school) at araw-araw na ipinagdadasal noong mga taon na malakas pa ako. Linggo ngayon, subalit may ilang taon na rin na halos naging pasya ang sadyang di pagsisimba. Hindi ko pa siguro kayang aminin ito sa kanila.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home