12.14.2004

Unang Tala sa Pasko

Pagkagising kaninang umaga, sinalubong ako ng balita sa MUB: yumao na si FPJ. Wala na si Da King, ang itinuturing na Hari ng Pelikulang Pilipino. Wala na ang Panday. Wala na ang itinuturing ng marami pa ring Pilipino na siyang totoong nanalong pangulo ng Pilipinas nitong nagdaang halalan. Halos hindi na ako nagulat. Mamamatay naman talaga ang tao. Naligo ako, gaya ng dati. Malamig na ang tubig. Magpapasko na nga. At dahil magpapasko na, ako kahapon ang pinagawa (ivinolunteer ni QT, hay) ni Ma’am Beni ng tula (“kahit isang maliit na tanaga lang, Egay”) para sa card na ipamimigay ng Kagawaran sa ibang opisina sa Ateneo. Nagwawasto ako noon ng papel ng mga estudyante; kinailangan kong itigil upang pag-isipan ang tula. Sa huling sandali, gusto kong tanggihan (“Joseph, ikaw na, Pasko e, di naman ako nakasusulat ng masayang tula.” “Kaya mo ‘yan, sayang ang Palanca.” “Ngek, e ikaw ba, may tula nang masaya?” “Wala.” “O, e ako, paano, paano ako susulat ng masayang tula, siyempre, masaya dapat di ba?” “Kaya mo ‘yan.”) Ilang minuto at ilang rebisyon ang nakalipas (mabuti’t naroon din si Nikka upang magbasa, kahit magbasa lang), ito na ang pinakamasayang tulang pamasko na kaya kong gawin:

Bumuhos man ang bagyo,
kakanlungin ang mundo
ng Pag-ibig sa tao:
Narito na ang Pasko.

Kaninang umaga, may mga batang mula sa Negros (anak ng mga magsasaka sa Negros, 6-14 taon) na nag-caroling sa kagawaran. Hinarana kami ng mga awiti-pamasko sa Hiligaynon (?). Aliw na aliw kami sa pinakabata sa kanila. Bibong-bibo. Sulit ang (dinig ko’y) kung ilang libong ibinigay ng kagawaran. Para rin iyon sa kanilang pag-aaral. Ambag rin para sa kanilang kinabukasan. Ano’ng mayroon sa mga ganitong uri ng pagkakataon—kumakantang mga bata, aliw na aliw sa kanilang ginagawa—upang makapagpagaan nitong loob. Tama: Narito na ang Pasko. Kahit hindi ko na ginagawa ang dapat sana’y tungkulin ng isang ganap na Katoliko, may ilang bagay, gaya ng ganitong pagdiriwang, na hindi ko basta-basta matatalikuran.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home